Ano ang Manonood? (2)
Sa aking tingin, maibubuod sa dalawa ang tungkuling panlipunan ng telebisyon, at maaari’y ng pangkalahatang pangmadlang midya: estetiko at pedagohiko. Halos kapara nito ang minsang sinabi ni Clodualdo del Mundo Jr. (2003) na tatlong “textbook (function and roles of television in Philippine society): ang “entertainer, watchdog, and teacher” (38). Ngunit sa tingin ko, ang pagbabantay [ng sangay ng balitaan, halimbawa] at pagtuturo [ng malawak na brodkasting sa iba’t ibang anyo at okasyon] ay mapagsasanib at mapapailalim sa pedagohikong tungkulin. Ang aliwan naman ay nakatuon sa sektor ng sari-saring pagpapadama ng kasiyahan, kaginhawahan, at kapahingahan, ilan lámang sa estetikong danas na maaaring masagap sa panonood. Mula rito, mauunawaang pagkaaliw, pagkatuto, o pareho ang dahilan ng manonood sa tuwing bumabaling sa telebisyon, mga permutasyon nito, atbpng. pangkalahatang midya. Ang manonood ay tagatanggap ng anumang ipinalalabas na nakapagpapabatid, nakasisiya, o pareho. Sa proseso ng komunikasyong pambrodkast, ang manonood ang nakaabang sa mga telebiswal na anyo at mensahe, na matapos dumating sa kaniya ay may dulot na apekto at epektong estetiko at pedagohiko. Nadarama at sumasakaniya ang apekto at epekto ng mga telebiswal na anyo at mensahe sapagkat may kakayahan siyang unawain ito. Ang datíng sa kaniya ay mapagpakahulugan at dahil nga ganoon ay makahulugan.
Sinasabi kong maaaring "pareho" sapagkat hindi binaryo o tumatagibang lámang sa isang panig ang mga tungkuling estetiko at pedagohiko. Madalas na nagsasabay ang mga danas ng pag-aaliw at pag-alam. Kailangang magkasaysay ang estetikong danas kayâ sa isang bandá, may pedagohikong mithi rin ito upang hindi maging basta walang kawawaan. Dito natin madalas ikabit ang kaisipang "may kuwenta" o "walang kuwenta." Ang panooring pang-aliwan ay nararapat din namang "may kuwenta," upang maging sulit ang panahong ginugol dito. Samantala, ang pedagohikong lunggati naman ay nangangailangan din ng baklad na estetiko upang makapanghikayat sa kabatiran. Gumagamit ang mga ito ng imahen, retorika, anyo, atbp. na nagsisilbing asemblea ng mga sagisag na kumakatawan sa mga ipinababatid. Malikhaing binubuo ang mga ito upang magkaroon ng bisà, para makalikha ng talab. Hindi ganap ang pagpapakahulugan ng panoorin hanggang hindi nararating ang manonood, na sasagap naman sa estetiko at/o pedagohikong danas at hihinuhain ito upang mabatid ang silbi, lalo na sa kaniyang búhay. May likás na kakayahan (competence) ang manonood sa paghinuha, na hubog naman ng kaniyang pinagmulan, pag-aaral, at pag-unlad. Para sa akin na nagdalubhasa sa aralíng kultural na may tuon sa aralíng telebisyon, malaking tulong sa pagbalangkas ng aking panonood ang pagturing sa pinanonood bílang panitikan. Ito ang aking adhikang ipakalat: ang gawing mapaglimi’t matalim ang panonood ng telebisyon.
Hindi ako tulad ng karaniwang manonood, alam ko, pero iniisip kong maaari namang ibahagi ko, bílang guro at kritiko, ang balangkas na pampanitikan para sa higit na nakaaaliw at nakapagpapamulat na karanasan ng panonood. Papaano nga ba itong pamamaraan na ito? Marahil, sa simple munang hakbang. Samantalang may tendensiya naman talaga ang estetiko at/o pedagohikong danas na telebiswal na talagang ilapit táyo nang husto sa panoorin, sa paraang halos mawalan na nga táyo ng ulirat, maaaring piliing humakbang palayo at ituring ang pinanonood bílang obheto ng pagsusuri. Isa itong pagpapasya. Matapos, maaaring magsimula sa pagtatanong ng mga sumusunod:
Ano ang kuwento at/o ideya ng pinanonood?
Sino/sino-sino ang [mga] tagapagsalaysay at/o [mga] tauhan?
Ano ang layon ng pagkukuwento at/o paghahayin ng ideya?
Ano ang datíng sa akin ng kuwento at/o ideya?
Ano ang palagay ko sa kuwento at/o ideya?
Maaaring ilapat ang mga tanong ito sa anumang panoorin, mulang balitaan hanggang teleserye. Sa pagtatanong ng mga ito, sinisimulan na, kahit sa paghakbang palayo, ang totoong paglapit, pagdulog sa pinonood. Sa isip, lumilikha táyo ng paghinuha na maaaring maging batayan ng ating pagsusuri. Wari bang muli nating isinasalaysay sa ating sariling pananalita ang danas ng panonood, estetiko at/o pedagohiko man ang mithi nito. Ang aking ipinanukala ay batayang hakbang sa pag-unawa (comprehension), na totoong bungad ng pagpihit mulang karaniwang panonood patungo sa pagbása sa pinanonood, na langkay din maging ang danas ng panonood. Hindi nga ba mabuting magkaroon ng ganitong kakayahan ang lahat ng manonood? Matagalang trabaho ang pagpapakalat ng ganitong kaisipan, ngunit posible at produktibo. Para naman hindi táyo basta nalululong sa aliw o napapaniwala na nang basta ng kahit anong panoorin.
Akdang Binanggit
Del Mundo Jr., Clodualdo. 2003. Telebisyon: An Essay on Philipine Television. Lungsod Maynila: Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts.