Ilang Pagsasapantaha hinggil sa Sapantahang Wika ni Virgilio S. Almario
Larawang kuha ni Virgilio Labial
[Binigkas sa paglulunsad ng aklat sa UST Main Building Lobby, Oktubre 5, 2022]
Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario, mga Kapwa Tomasino, mga kaibigan. Magandang hápon sa ating lahat.
Bago ko bigkasin ang ilang pagninilay na hiningi sa akin hinggil sa aklat na ating inilulunsad at ipinagdiriwang ngayon, ibig ko lámang magbahagi ng kuwento hinggil sa aklat na nabanggit. Kung tama ako, isa ito sa apat o limang naisulat at nalathala ng ating butihing pambansang alagad ng sining sa loob ng panahon ng pandemya. Alamat na, dati pa, ang kaniyang sigasig at sipag—taunang mag-aklat ng pagkarami-rami lalo tuwing birthday niya sa buwan ng Marso. Pero sa apat o limang aklat na nabanggit nitong hulíng dalawang taon, mas nasaksihan, naramdaman ko ang lalo pang pag-alab ng kaniyang rubdob. Nang iretiro sa serbisyo-publiko bago magkapandemya, at napiit sa tahanan tulad ng maraming senior citizen sa kasagsagan ng paglaganap ng Covid-19, tumula siya nang tumula sa plataporma ng katutuklas pa lámang na uniberso ng social media. Parang lalo pa siyang itinangi sa ispera publika’t hinanap-hanap ng madla upang pakinggan ang matulaing tinig at matalim na na mga sipat hinggil sa krisis at kasaysayan. Nagpatúloy din siya sa pagiging tagapagsulong ng sining at kultura sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto at programang pangkomunidad. Sa ganang akin, wari bang higit siyang lumaya na tupdin ang mga hangarin nang pumalayo sa tunay namang napakaruming pamahalaan. Sa lahat ng pagpupunyaging ito, at dahil siya ay dos personas solo dios—si Rio Alma bílang nagpapatuloy na makata sa panahon ng smartphone at Facebook, at si Virgilio S. Almario na walang-pagod sa pagsusulat ng kritikal na prosa hinggil sa kultura, panitikan, at wika—kumatha rin siya ng mga bagong kritisismo na pinalad [pinalad?] akong mabása ang mga [mga, ibig sabihin, marami] borador ng dalawa sa panahon ng lockdown. Isa sa mga iyon ang aklat ng hápong ito, ang Sapantahang Wika.
Parang lima yata kaming palaging pinadadalhan sa email ng mga borador ng mga isinusulat niya noon. Hindi ko alam kung tumutugon ang iba pa niyang kausap—marahil ay idinederetso na sa kaniyang email ang pagbása. Nakakahiya ang hindi tumugon, lalo pa’t talagang nakamamangha ang sipag. Lubhang nakapanliliit [nakapanliliit?]. Hindi kinakaya ng aking katawang-lupa. Isa pa, masipag din siyang mangulit, kayâ mapapasagot ka talaga. Napakasipag pang mangumusta sa Viber, kung saan din ibinabahagi niya ang mga bagong-labas na akda sa social media. Sa labis na abalá, natatandaan kong nakatutugon lámang ako sa kaniya tuwing Sabado ng umaga, matapos ng buong linggong pagpapagal. Pilit kong isinisingit ang pagbása sa mga borador sa mga libreng oras mulang Lunes hanggang Biyernes, at sa dalawang pagkakataong nabanggit, napapatapat ang aking pagsulat ng tugon sa bungad ng weekend. Pupungas-pungas pang kakapain ang cellphone sa mesa at doon ititipa ang tugon habang nakahiga pa. Nang papag-isipan ang Sapantahang Wika, nanurot ang pagtataka. May kung anong iba sa aklat, talagang naiiba sa lahat ng mga kritikal na aklat niyang nabása na rin marahil ng marami sa atin. Malalim ang hugot ng pagliliming pilolohiko habang itinatalab sa makislap na hinuha ang kilalang tindi ng pagtitig sa madalas ay matatandang teksto at palagian namang masaklaw na pakasaysayang-lápit. May hinahagilap pa bukod sa kahulugan ng mga susing salita at dalumat na pinili para balikang-áral, upang sa dakong hulí ay makasangkapan sa habambuhay ng proyekto na “muling pagkatha ng ating bayan.” May kakatwang pakana ang aklat, lalo pa’t sa kabanatang may pamagat na “Kaputol na Alamat at Mahiwagang Búhay ng Pinagdaanan ni Juan Púsong,” hindi kumbensiyonal na kritikal na moda ng pagpapalawig, ng diskurso, ang kaniyang ginamit kundi pabulasyon. Tanda ko, nang una itong makaharap, tanong ko kaagad sa sarili ang “ano ito?” Hindi ko ito maipirme, nagdadalawandiwa ang kakanyahan—matandang kuwento sa anyo ng kritikal na prosa? Nakakabigla at nakapaninibago. Nagkakutob ako na malaki ang kinalaman ng kaibang kritika sa kabanata sa pangkabuoang proyekto ng noon ay nakatakda pa lámang ihayin sa publiko ni Almario.
Ang aklat na Sapantahang Wika, sa pauna nito ay “pagsasaliksik sa sinaunang bait at taal na karunungang maaaring matuklasan sa ating wika.” Sa matalik na pagbása, tumibok na muli ang tinawag niyang mga “halagahan” (values) sa pagbuhay niya sa kasaysayán at kasaysáyan ng mga ito, sa mithing maiwasto ang kolektibong unawa. Mas akmang pandiwa sa tingin ko ang “makapag-ugat”—at mas akmang talinghaga ang proberbiyal na “makapag-ugat sa isang sariling lupain” na patuloy na hinaharaya ni Almario sa kaniyang mga akda. At ang pagharayang ito ay “pangangailangang piksiyon,” isang banal na tungkulin, “isang malaki at banal na kadahilanan,” sapagkat “binaluktot ng ating kolonyal na karanasan” ang mga halagahang muli niyang itinanghal. Ngunit kailangan ding bigyang-diin na ang mga gawain ng “pag-uugat,” “pagharaya,” at “piksiyon,” tulad ng mapangathang paglikha sa “isang sariling bayan” ay pawang taimtim na mga dalangin, malalalim na lunggati. Bílang mga senyas, mga kompleks ng salita na hindi makakalagkalag sa tanikala ng signipikasyon at patuloy na hindi maihulog-hulog sa tiyak na kahulugan, ang bansa, banwa, bangsa—ang ili sa aming mga Ilokano—ay lubhang mahirap itindig saanmang mapiling dako. Para itong kubo na pasan-pasan ng magkakapitbahay sa mga pintang lalawiganin—perpetwal na naikuwadro ng mga maestro, palaging nasa rurok ng pagbabayanihan ang paglilipat-bahay, subalit tila hindi makarating-rating sa patutunguhan. Maituturing bang sumpa?Nagsasapantaha si Almario ng takdang pagtahan, ng nasabi ko na ngang “pag-uugat” sa “isang sariling bayan,” sa bayan ng kasalukuyang kasaysayan. At bílang masugid na tagapanalig ng wika, salita at salita ang kaniyang tinutunghan, kahit pa napakahirap nitong panghawakan. Kayâ, iginigiit niya marahil na ang aklat na ito ay nagsisilbing “panimulang pagbuo ng isang pilosopiyang pangwika,” bukod pa sa pagpapamana ng “patnubay sa paglinang ng ating pambansang kasaysayan at pamumunang pangkultura.” Inihahanda niya’t inilalagak ang mohon sa dakong iniisip niyang may masaganang pangako ang lupa. Ito ang una niyang sinasapantaha, bagaman higit na magiit sa ating panahong diasporiko at global ang pagtahan sa kawalang-pagtahan (being home to unhomeliness). Hindi maitaboy-taboy sa dibdib ng ating awtor ang “cruel optimism,” kung mamarapating hiramin ko ito mula kay Lauren Berlant, hinggil sa posibilidad na ito. Kaylupit-lupit na pagkapit sa pag-asa!
Ikalawa, sa tingin ko, ang pagsapantaha sa sinasabi niyang “potensiyal ng Filipino.” Sa pauna rin ng aklat, karugtong ng “potensiyal ng Filipino,” ng Wikang Filipino, ang mga katagang “bílang wika ng makabayang saliksik at mga siyentipikong adhika para sa ating Wikang Pambansa.” Matagal na niya itong katwiran, subalit sa kasawiampalad, parang hiráp na hírap talaga ang kolonisadong isip na mahiyakat. Kayâ marahil kinailangan ang pagpapanibagong pakana, marahil ang pagbabalintuwad, ang pagbibitin patiwarik. Sa pagbabalik-tanaw sa danas ng pagbása sa kabanata ni Juan Púsong, at sa pagsisinop ng kabuoang dáting sa akin ng aklat, naiisip kong patunay ni Almario sa bahaging ito ang mismong anyong lumitaw sa mga sipi ng aklat na hawak natin—sapantaha ng isang panibagong kritisismo na hindi lámang nagsasakakatwa ng paksa, gaya ng palaging inaasahan sa anumang matalinong kritisismo, kundi pati na rin sa mismong anyong kritikal. Si Juan Púsong pa rin ang halimbawa ko. Ang totoo, posible naman talagang ibalangkas sa kuwento ang kritisismo, bílang sa isang bandá, ang kritisismo ay talagang kuwento, naratibisasyon ng isang pagbása. Maaaring idagdag ang kaisipang ito sa nauna nang mga paggigiit na proseso ng pag-iisip ang kritisismo, at pagsaksi sa proseso ng pag-iisip ang pagbása rito. Talagang gawaing solitaryo. Ngunit sa Juan Púsong ng Sapantaha, hindi basta kuwentong may karaniwang moda at banghay kundi salaysaying epikal, may ulinig ng katutubong tagapagsalaysay na may siste sa pag-awit ng kuwentong bayan at erudisyon sa pagbigkas ng diskursong kultural. Animo’y sadyang iisa at pinagsasanib ang mga gawaing muling pagsalok sa batis ng kolektibong imahinasyon at paghahagilap ng mabubulatlat na matatandang dokumento sa mga aklatan at artsibo. At sa paraang sinauna at komyunal, diyalohiko at mapanghamig. Maaari’y nasasagot ko sa ganitong paraan ang tanong ko kanina na “ano ito,” maaari’y hindi. Ngunit kung ito ngang aklat ay “sapantahang wika,” hindi lámang ito maipipirme sa “potensiyal ng Filipino,” sa mga adhika’t larang ang pagpapakahulugan. Ang “sapantahang wika” rin ay tumutumbok sa kalikasan ng kritisismo bílang pagsapantaha sa kahulugan ng binabása, at dahil na rin dito ay pagsapantaha sa potensiyal ng pagpapagitaw ng kahulugang ipinaliliwanag at ipinalalaganap. Nagsasapantahang wika si Almario hinggil sa Filipino ay nagsasapantaha rin siya sa maaari pang pagpapanibagong wika ng kaniyang mga sinasabi. Ito, sa tingin ko, ang nagdudulot ng bagong kabuluhan at nagpapakislap sa taktika ng sabay na pagsasalaysay, pagkikritika ng kahit ba sabihing “kaputol” lámang na “alamat at mahiwagang buhay” ni Juan Púsong. Sapat na ang kalingkingan, ang sinekdoke, para sa sapalaran ng pagbubuo ng katawan, ng maituturing na katawang-bayan.
Ikatlo at hulíng pagsapantaha ng may-akda ang kahihinatnan ng kaniyang proyektong “reklamasyon, rekuperasyon, at rekonstruksiyon” ng pambansang gunita. Ito ang maituturing na diwain ng lawas ng kaniyang pag-aakda bílang si Rio Alma sa tula at Virgilio S. Almario sa kritisismo. Saan nga ba ito hahantong? Ang kabuoan ng panulat ay pagsasapantaha at pagwiwika sa kagalingang-bayang minimithi ng hangaring pag-angking muli sa kaakuhan, pagpapahilom sa mga sugat ng mga nagdaang pagkakasakop, at paglikha pa-muli ng bagong kamalayan. Maaaring akusahang Quixotiko ang pagmimithing ito. Ang “sapantaha” sa mga diksiyonaryong inedit mismo ni Almario ay nangangahulugang “palagay o kuro na walang ganap na katibayan,” kayâ kung tutuusin, mahihiwatigan natin ang kabatiran ang awtor na sapat nang katibayan ang kakayahan ng kasalukuyan na adhikaín ang kayhirap-hirap na mga pangarap na ito para sa bayan. Masasandigan na ito sa gawain ng pagpapalagay o pagkukuro sa pamamagitan ng masapantaha ring baklad ng kritisismo. Tulad ng napakaraming bagay sa búhay, at maging ng wika mismo na may pagtatanda’t pakahulugang mahirap hulihin, walang katiyakan ang lahat at nakalapag sa pagiging mabuway. Walang katiyakan at mabuway pati na ang pagtukoy sa kahihinathan ng proyektong Almario, lalo sa panahong ito na nagkakawindang-windang ang lahat. Subalit pakikibaka sa lumo ng kawalang katiyakan at pagkamabuway ng búhay ang magsapantaha—ang makapagnilay, ang makapanaliksik hinggil sa katotohanan, ang sumipat nang may bait at kaalaman—iyan ang áral ng etimolohiya ng salitâng Ingles na tinumbasan ng “sapantaha,” ang “speculate.” Palaging paghaharaya at pabubuo ang pagsapantaha. Gayundin ang pagwiwika, ang maningning na pagbigkas na tumatawag sa pag-iral. Hindi man tanaw ang darating, ang patutunguhan ng pagsusumikap, naitala na sa atin ni Almario, sa pamamagitan ng Sapantahang Wika ang kaniyang mga hangarin para sa Wikang Pambansa, sa kritisismo, at sa paglikhang Filipino, sa pangkalahatan. Pilosopiyang pangwika nga ito na maaaring maging batayan ng pagsusulong ng kaniyang proyektong makabansa, na nararapat lámang nating angkinin, batahin, bílang kolektibong proyekto. Subalit sa kabilâng bandá, tanghal din nito ang nahaharaya at nabubuo niyang pilosopiya bílang intelektuwal at manlilikhang Filipino, isang tinig at isip sa ilang ng Filipinas na patuloy sa pagbubulay at walang tákot sa pagbago, kahit sa pagwawasto ng mga sariling opinyon. Sapagkat katangian mismo ng kaniyang pag-aakda ang “sapantahang wika,” patuloy sa pagpapagalaw ng sariling mga kataga at pananaw patungo sa ibayong paglawak at paglalim, walang wakas, hanggang katapusan, dumadaloy na ilog ng ating kaluluwa.
Maraming salamat po, at maligayang pandaigdigang araw din ng mga guro, sa inyo, Sir Rio, sa mga kaguro na naririto, at sa ating lahat.
Magandang hapon po muli.