Isang Kuwentong Pormalismo
Sa MFA program ng DLSU ako unang naipakilala sa aralíng kulturang popular. Creative Writing ang digri kayâ mas interesado sa paglikha kaysa teorya. Nangarap akong maging nobelista kasi akala ko, káya ko. Subalit may iba akong palad at nagtapos na isang makata. May iba pang pihit na naganap bukod sa pagkakumbinse sa akin na manaludtod at manalinghaga. Nagsimula ang aking inisiyasyon sa teoryang kritikal dahil sa isang kurso sa kulturang popular. Larangan ito ng pamumuna, ng tinatawag na kritika. Nasabik ako dahil isang bagong wika ang pamumuna. Gusto ko talagang matutuhan ang pamumuna noon pa man sapagkat napapasabak din naman sa pagsulat at paglalathala ng mga rebyu ng mga aklat, pelikula, at telebisyon. Pakiramdam ko noon, mas tatalas pa ang aking pamumuna kung mapapalalim ang teoretikong oryentasyon. Nasimulan ito sa akin ng aralíng kulturang popular.
Aaminin kong halos wala na akong maalaala sa pagkuha ko sa kurso kong iyon. Tiyak na may mga babasahín, at sa tingin ko naman, nabása ko ang mahahalaga, ang para sa akin ay mahahalagang readings. Pinakuha sa akin ang kurso ng koordineytor bílang isa sa mga pinakahuling elektib sa MFA. Marahil ay naisip niyang bagay ito sa aking temperamento. Maaari’y iyon na lámang ang nalalabing kurso, hindi ko na alam. 4.0 ang naging marka ko, mataas naman talaga kung tutuusin. Isang tagpo lámang ang tumimo. Isang Sabado, na araw ng tatlong-oras naming klase, pinagpasa at pinagbasá kaming mga estudyante ng mga pagsusuring papel hinggil sa mga napiling tekstong popular. Sari-sari ang iniharap, natitiyak ko iyan. Ang sa akin: ang tigkikinse pesos noon na mga nobelang romanse sa palengke. Siyang-siya ako sa pagbili, tanda ko pa, sa isang maglalako sa palengke sa Novaliches Bayan. Siyang-siya rin ako sa paglait sa natunghayang katatawanan.
Matapos kong bigkasin ang papel, tinugon ako ng guro sa paraang ganito, habang pinauupo: “Ayos naman ang papel, pero siguro huwag ka nang umulit na magbasá ng mga ganyan.” Hindi ko iyon inalintana. Tanda ko’y umupo akong nakangiti, natupad ang pangarap na makabigkas, makapagpabasa ng isang “kritikal” na papel na malayong-malayo sa madalas na gawin sa programang MFA. Parang napagkalooban ako ng panibago’t makapangyarihang wika. Pero sa pagbabalik-tanaw, sa tagpong iyon ko natutuhan ang marahil ay pinakamahalagang áral ng aralíng kulturang popular: na ito, sa simula’t wakas ay usapin ng audience, higit kaysa anyo, na ipinaggigiitan sa amin noon bílang mag-aaral ng malikhaing pagsulat. Natutuhan ko mula sa danas na iyon na sa maraming pagkakataon, hindi ako ang audience ng kulturang popular. Kayâ hindi ko rin basta mailalapat ang mga prinsipyong natutuhan ko sa pagsusulat. Nang ganap na humapon sa akin ang pagkamulat, natutuhan kong ikahiya ang aking kayabangan. Kung ako rin ang guro, pauupuin ko rin ang sarili ko at paaalalahanang huwag nang umulit.
Sa panahon ngayon ng maraming paggigiit sa karapatan [right, entitlement, mamili na lámang kayó], lalaging áral sa pagpapakumbaba at pagdestrungka ng kamalayan ang kulturang popular. Para sa mga arál, tigib ito ng kakatwaan, ng kalisyaan, ng lahat-lahat nang maaari nating maipintas dito. At hindi táyo mapipigil sa pagpintas [at hindi dapat pigilin]. Pundamental at demokratikong karapatan iyan, na isang karapatan ding aking tinindigan nang sulátin at bigkasin ko ang papel hinggil sa mga nobelang romanse, mga dalawampung taon na ang nakalilipas. Pero kailangang pagmunihan ang karapatan [entitlement]. Ano ba ang pinanggagalingan nito? Ano ang mga pamantayan? Nang sulátin at bigkasin ko ang aking papel, maraming bagay ang hindi agad na naging malinaw sa akin bílang kritiko. Paglaon na lámang sumapit sa akin ang pagkaunawa. Hindi ako ang kausap ng akda na dinampot ko mula sa tumpok ng mga nobelang romanse sa palengke. At, pinakamabigat pa, ipinipilit ko rito noon ang mga prinsipyong makasining/makapanitikan na hindi naman nababagay dito.
Paglaon din, sa lalong pagkalulong ko sa teorya, nagkaroon din ng ngalan ang imposisyong iyon na pinilit kong ilapat sa sinuring nobelang romanse: Pormalismo. Lapit na kritikal na makiling sa akda, at sa akda lámang. Mapagbukod, kung gayon, sapagkat isang organikong kaisahan ang binabása, hindi kailangang unawain nang may pagsasaalang-alang sa intensiyon ng awtor, sa konteksto o panahong pinagmumulan, at sa datíng sa mambabása. Ganap ang akda, masusuri nang nakapag-iisa, batay sa dinamiko ng mga elementong bumubuo rito. Marami akong naging tanong hinggil sa mga nobelang romanse na sinuri ko sa klase. Bakit magulo ang banghay? Bakit katawa-tawa ang karakterisasyon [bukod sa nagta-Taglish ang mga karakter, na hindi naman bagay]? Bakit labis-labis ang damdamin? Bakit ang daming kamaliang tipograpiko sa teksto? Sa pormalista, trauma ang pagdanas ng kulturang popular—maaari’y may kalapitan sa danas ng “the real” ni Jacques Lacan kung saan lahat ay nakalutang lámang sa kasabawan at kasabugan ang lahat at lumalangoy sa ganap na kaluguran.
Kayâ kung trauma ay dapat lámang na tumigil. Ngunit hindi ako tumigil. Sa isang bandá, tanggap ko ang kakulangan sa kasapatan ng Panitikan [kapitalisado ang P], ang kahinaan ng mga “reality” [hinihiram ko muli kay Lacan] na nalilikha ng mga tinagurian ng isang makata na “pumpon lámang ng mga salita.” May nakilala ako at nakaharap sa kagaspangan ng mga nobelang romanse: ang mga kausap nito, na pinaniniwalaang karamihan ay malawak na kababaihan mulang kabataan hanggang katandaan, na sa kanilang libreng oras ay isinisingit ang pagbabasá sa maninipis [kayâ madaling tapusin] at madaling bitbiting mga nobela. Pag-aaliw ang malinaw nilang pakay sa paglulunoy sa mga kuwento ng pag-ibig, kung saan madalas, nagsisikap ang tauhang babae na ibangon ang kaniyang sarili mula sa anumang kinasasadlakan tulad ng kahirapan. Magiging daan ang pag-ibig sa pagbangon, ang enkuwentro sa minamahal na lalaki, at kaysarap-sarap na panaginip iyon, kung tutuusin. Walang masamâ sa kaaliwang ito, at hindi dapat masamain. Sa salimbayan ng ingay ng paglalako, sari-saring amoy ng tinda, at nakababagot na maghapong pagpapagal sa isang palengke, nakapananahan, nakapagpapahinga ang mambabása roon, kahit sumandali, sa hiram na mundong iyon kung saan posible ang lahat. Bumabalik sila sa tunay, magaspang nilang búhay sa tuwing ibinababa’t ipinipinid ang munting aklat. Ang aliw ay isang pangangailangang paghimpil.
Posibilidad sa pagtalunton ng puna ang pag-usig sa pantasya. Pantasya itong pinaluluwalan ng puhunan, bagay na mahihiwatigan sa sampu-samperang lathalaan ng mga nobelang romanse magpahanggang ngayon. Nalaman, napag-aralan ko paglaon ang de-kahong pagsasalaysay ng mga ito na isinisiksik sa humigit kumulang sandaang pahinang makinilyadong manuskrito, double-espasyo, na ang laman ay pamilyar na banghay na binabago-bago lámang ang bihis at konpigurasyon; ang madaliang produksiyon nito, halos assembly line; ang magandang bayarán sa mga manunulat na pakyawan ang pagsulat at kayraming sagisag-panulat. Isa itong “industriyang kultural,” wika nga nina Theodor Adorno at Max Horkheimer, bagaman hindi ko ibig gamítin ang terminong ito sa paraan ng mapang-ismir na Frankfurt School, ang maalamat na paaralang nagtatag sa modernong aralíng kulturang popular. Sa paggamit ko ng “industriyang kultural,” hubad na ito sa imposisyon ng Kasiningan [kapitalisado ang K] na inilapat din nina Adorno at Horkheimer sa mga pinagdudahang plataporma ng mass media. Kung may kasiningan man, ito ay hubog ng banggaan ng kapital at ng audience na hindi kailanman tagatanggap lámang kundi aktibong ahente sa paglikha at muling paglikha ng popular na teksto. Ang likha ay ang produkto sa mga kamay ng mambabasá sa palengkeng iyon sa Novaliches Bayan: pipitsugin at halos pambalot na nga ng tinapa sa ating mga mata. Kailangan kong buksan ang mga mata ko sa kontekstong ito.
Kayâ saan nga ba ako nagmumula nang siyang-siya ako sa pamumuna ng nobelang romanse? Nanggagaling ako sa posisyon ng elitismo, matapobreng minamaliit ang tekstong iyon sapagkat sa pamantayang makasining na nakamulatan ko, isa iyong malaking kapalpakan. Edukado ako, kumukuha ng malikhaing pagsulat sa paaralang gradwado noon, nagsusumikap hanapin ang aking sariling tinig sa paglikha. Namamayani sa aking kamalayan ang mga prinsipyong “show don’t tell,” “the best words in the best order,” “originality,” pawang mga alituntuning pormalista na nararapat lámang para sa mag-aaral ng master of fine arts--pinong sining, belles letteres. Subalit kailangan kong magpanibagong antipara kung tutunghan ko ang kulturang popular. Iyan ang pinakamahalaga kong natutuhan. O, kung nakapagpapalabo pa rin ang mga antipara-antipara, sapagkat madalas na nababalangkas sa Kanluraning pananaw ng teorya, e tanggalin ko na lámang kayâ? Bakâ mas matitigan ko talaga ito sa tunay nitong kaanyuan, sa totoo nitong hubog na may sariling kasaysayan, konteksto, at kultura. May kayabangan ang Pormalismong ipinayakap sa atin ng ating kolonisadong edukasyon: wari bang ganap ang mga nahahango nitong "karunungan" at may monopolyo ng kislap-diwa ang mga hinirang na kanonigong akda na nararapat lámang tularan ng sinomang nagtatangkang pumasok sa malikhang pagsulat. Pero isang reeedukasyon ang natanggap ko nang paupuin ako ng guro ko matapos na bigkasin ko ang pamumuna, panlalait sa nobelang romanse. Isa itong reedukasyong matagal, napakatagal bago ko talagang natutuhan. Reedukasyon itong nagturo sa akin na pumihit mula sa teksto patungo sa audience, dahil ang totoo, hindi nakatatayong mag-isa ang teksto ng kulturang popular--o anumang akda, kung tutuusin. Kailangan ng pagsasaalang-alang sa mga kausap nito, na madalas, ay hindi táyo.