Mga Araw na Ayaw Nating Manood ng TV
Kapangyarihan nating manonood ng telebisyon ang panatilihing patay ang telebisyon. Sa bahay namin, patay halos ang TV buong maghapon. Sinasadya nang huwag manood, lalo ng kung tutuusin ay napakahalagang pangyayari ngayong araw. Sinilip ko ang balitaan, naka-Filipiniana ang mga tagapag-ulat, talagang may pagtatangi sa araw na ito. Pero parang kaisa ng maraming patuloy na nagdadalamhati ang langit na may lambong ng ibinadyang kalát-kalát na ulan nitong mga hulíng araw. Mahimalang hindi hindi ito bumuhos, ni pumatak pagpatak ng tanghalian. Mukhang may nagdasal at nag-alay ng itlog kay Santa Clara. Sinulyapan ko na lámang sa streaming sa social media ang kaganapan ng magpahanggang ngayon ay hindi matanggap ng hindi iilan. Sa harap ng panunumpa, ang manipis na nagsipagdalo, at hilera ng mga portalet. Napakagandang tanawin sa panahong makulimlim, nagdudumilim.
Sa malalaki o sabihin nang “makasaysayang” pangyayari na tulad ng naganap ngayong araw, karaniwang tumututok ang mga tao sa telebisyon upang sumaksi. May viewing parties pa nga, halimbawa, kung nakikipagbakbakan ang boksingerong senador, hindi ba? Pero bakit kayâ nagkataong mabigat sa loob ng buong sambahayan ko na masaksihan ang ganap sa araw na ito? Ang nanay ko, nanood na lámang ng mga paboritong Asian drama sa streaming site. Ang tatay ko, sumadya sa bowling. Hinarap ko naman ang ilang tumambak na trabaho, at sumipat-sipat sa social media ng mga kuha at eksena mula sa isinumpang sandali. Mabigat sa dibdib ang sumubaybay sa isang kaduda-dudang tagumpay, sa sabwatan ng mga buktot, sa isang pagdiriwang na ang baklad ay paglimot sa kasaysayan at ampaw na pangako. Masakit ang katotohanan habang nakalapag ang kaliwang palad ng nahalal sa matandang Bibliya at nakataas ang kaniyang kanang kamay, nakaharap sa madla. Ito ang realidad, magpalipat-lipat man ng kakarampot na channel sa free TV.
May mga araw pala talaga na ayaw lámang natin manood, at isa ang araw na ito sa mga iyon. Madalas na magalaw, maingay, masagitsit ang telebisyon. Kapag nakapatay ito, marahil ay ibig lámang namnamin ang katahimikan o harapín ang kaabalahan ng araw-araw. Pero ang pagpatay sa telebisyon ngayong araw ay dalamhati at pagsalungat. Lubha nang masaklap ang nasaksihan sa loob ng nagdaang anim na taon ng mga pagkabuwal sa gabi, panlilinlang sa pobreng mamamayan, at paninikil sa matatapang at ibig tumindig. Naibalita’t naisalaysay na ang mga ito sa telebisyon, maging sa mga ekstensiyon nito sa internet at social media. Ang dami na nating napanood na nakaririmarim. Sa bahay namin, ayaw na naming dagdagan. Sa ngayon, ang tanging pagbalikwas na nagawa ay huwag manood; subalit hindi ito nangangahulugan ng pagtalikod, pagsuko sa pakikisangkot. Patay man ang telebisyon ngayong araw, mananatiling bukás ang mga mata. Manonood pa rin at magbabantay. Sapagkat sa entablado, nakatanaw sa nasasakupan ang nakaposturang ispektakulo ng kahunghangan. Kumakaway. Pero bumebelat.