Pagbubukod, Representasyon, Kaakuhan: Dalawang Pagsasanay
Larawan ng poster mula sa IMDb.com.
Dalawang pagsasanay ang ating gagawin ngayong umaga, na sana'y maging mapakinabang sa ating pagpapatuloy sa larangang ito. Una, pagsasanay sa pagdalumat; at ikalawa, pagsasanay sa paggamit ng ating madadalumat. Ginagamit ang pagdalumat sa pagkakataong ito bílang "figuring out."
Sa pag-aaral ng teorya, mulang Formalism/Pormalismo hanggang saanman táyo abutin, táyo ay palaging nasa proseso ng "figuring out," ng pag-unawa at pagbuo sa ating isip ng mga framework o balangkas na natutuhan—kahit madalas komplikado at masalimuot. Sa una’t hulí, pamamaraan ito ng interpretasyon.
Kapag naman táyo ay nagsusuri ng anumang tekstong brodkast, táyo rin ay sumasailalim sa "figuring out." Ibig natin maunawaan ang ating sinusuri, binabása natin ito habang pinanonood-pinakikinggan-dinadanas. Interpretasyon din ang pangunahing layon ng kritisismo, at ang kabuoang gawaing ito ay talaga ngang pagdalumat, "figuring out": kung babalikan ang etimolohiya ng intepretasyon, mauugat na ito ay "proseso ng pagpapaliwanag, pagpapalawak, pag-intindi.”
Ang tagpuan ng teorya at pagsusuri ay humahantong sa interpretasyon. Kayâ ang mga pagsasanay na ito ay talaga nga namang pagsasanay sa interpretasyon.
Unang Pagsasanay: Pagdalumat sa mga Susing-Salita
Ang pagdalumat ay nangangahulugang "conceptualizing, theorizing." Pinalalawig ko ito sa pagdadawit sa isa pang salita na sa tingin ko'y mapaglarawan sa ating ibig ipabatid: heuristic, "enabling someone to discover or learn something for themselves."
Ang salin ko rito sa heuristic ay "pagkapa" [mula sa Sikolohiyang Filipino], o dili kayâ'y "pagtaya [mula sa Pilosopiyang Filipino." Mangangapa táyo, magtataya táyo ngayong umaga upang makabuo ng sariling pagkatanto o kabatiran. At sisikapin natin iyan sa pagkapa, pagtaya sa ating tatlong susing salita: Pagbubukod, Representasyon, at Kaakuhan--pawang mga salin ng mga kritikal na terminolohiyang Otherness, Representation, at Identity.
Ang otherness ay pagbubukod, bagaman sa isang bandá, higit na palasak ang kahulugan ng salitâng ugat na "bukod" bílang paghihiwalay (separation; set apart from) [halimbawa, "ibukod ang puti sa de-kolor sa labada upang hindi maghawa"]; at pagtatangi (distinction) [halimbawa, "bukod kang pinagpala sa babaeng lahat"].
Sa pagkakataong ito, ginagamit natin ang pakahulugan ni Isagani Cruz (2003), nang ilarawan niya ang ating kritikal na tradisyon bílang "bukod na bukod," "the other, other." Masahol pa raw táyo sa salimpusa sa mundo ng kritika sapagkat sa pandaigdigang larangan, ni "hindi man lámang... (i)binabangko... (at) hindi man lamang pinapapasok sa sarili nating palaruan” (p. 3-4) Ibig sabihin, halos hindi napakinggan/pinakikinggan ang ating mga ideya.
Pinalawig ni Cruz ang konotasyon ng pagbubukod upang mangahulugan ng mahinalisasyon, o wika nga ng isang kandidato sa eleksiyon, pagsasantabi o pagsasalaysayan. Ang pagbubukod ay talaga ngang othering; ang bukod ay other, at napakahaba ng talâan ng other, kung babalikan lámang natin ang mga napag-aralan sa binary oppositions o mga dikotomiyang ini-estruktura sa atin ng wika, kung babalikan natin ang Estrukuralismo (Structuralism).
Ngayon naman, sa representasyon. Ang representasyon naman ay halaw natin sa Español para sa malikhaing pagganap o pagpapaganap (depiction, portrayal, dramatization). Tuwiran itong nag-uugat sa katuturang klasiko na "pagtatanghal o pagpapakita," dili kayâ'y "pagpapagitaw sa isip o imahinasyon" ng anuman.
Hindi ko isinasalin ang representasyon sa pagkakataong ito sapagkat iniuugat ko nga rin sa klasikong pakahulugan ni Aristotle, na tinuligsa ang gurong si Plato sa pagsasabing ang sining ay hindi lámang pagkopya [mimesis] bagkus isang paglikha [poeisis], isang makahulugang imitasyon na nagdudulot ng epekto sa tao.
Isaalang-alang, halimbwa, ang trahedya, na para kay Aristotle ay
imitation of an action [akin ang diin] that is serious, complete, and of a certain magnitude; in language embellished with each kind of artistic ornament, the several kinds being found in separate parts of the play; in the form of action, not of narrative; through pity and fear effecting the proper purgation of these emotions.
Ang paglikha [anumang midyum ang gámit], sa pinakabuod nito, ay representasyon ng tao, ideya, pangyayari, o karanasan. Ang representasyon ay talagang isang gawaing malikhain, at dahil na rin dito, isang pagwangis o approximation lámang ng realidad na ibig itanghal ng manlilika. Hindi ito ganap na tama, akma, o tumbas sa isinasagisag sa toton búhay. Kailangan itong igiit sapagkat batayan ito ng mga "problema" ng representasyon na matatawag, siyang matutunghayan natin sa ilang saglit.
Samantala, identity naman ang kaakuhan, sa bisà ng salitâng ugat na "ako." Sa paglalapi sa salita, nagiging "natatanging aspekto ng katauhan ng isang tao" ito, at pati na rin "ang gayon ding pagkakakilanlan ng isang pangkat o bansa bílang tatak ng pagkakaisa."
Malapit din itong kamag-anak ng salitâng "kakanyahan," isa pang nalalapiang salita na una kong nakaharap nang basahin si Alejandro Abadilla [ang wika niya: "Datapwa't higit sa damdamin ay ang makata sa kanyang sarili, sa sarili niyang may kakanyahan na iba kaysa lalong malapit niyang katulad”]. Mula sa salitâng-ugat na "kaniya," mahihiwatigan din sa kakanyhan ang pagtukoy sa anumang pansariling katangian o pag-aari.
Ang identity, sa pagkakaunawa rito, ay tunay ngang kakanyahan ng isang tao o pangkat, sapagkat anumang pansariling katangian o pag-aari'y kaniyang-kaniya/kanilang-kanila, dulot ng pagkakatulad, kaisahan, o pagkakawangis. Kayâ sa isang bandá, hindi lámang indibidwal bagkus pangkalipunan ang ito, kultural kung matatawag, gaya ng minsang gitt ni Stuart Hall:
Our cultural identities reflect the common historical experiences and shared cultural codes which provide us, as 'one people', with stable, unchanging and continuous frames of reference and meaning, beneath the shifting divisions and vicissitudes of our actual history (sa Rutherford, 1990, p. 223).
Ang Tesis
Pangunahing tesis ng panayam na ito ang paggigiit na mga politikal na dalumat ang pagbubukod, representasyon, at kaakuhan. Sa "politikal," ang ibig kong sabihin ay pagdalumat na nakaugat sa pakikisangkot ng tao sa komunidad (polity), panlipunang ugnayan (civil affairs), at pamahalaan (government).
Bílang nilalang ng ugnayang panlipunan (social animal), ang tao ay pumapasok at nakikibagay sa kaniyang kapwa at pangkatin. Nakabubuo ng mga pakahulugan (meaning/signification) o pagpapakahulugan (meaning-making/signifying practices) ang pagpasok sa lipunan at pakikiugnay. Bumubuo ang mga ito ng mga palagay at halagahan hinggil sa sarili, sa kapwa, at sa daigdig.
Kayâ nga talagang politikal ang pagbubukod, representasyon, at kaakuhan. Likha ang mga ito, sa kamalayan (isip, puso) at kagawian ng tao, ng panlipunang pagpasok at pakikibagay sa komunidad, panlipunang ugnayan, at pamahalaan.
Samantala, sa masusing pagsusuri at pagbubunyag [isang susing salita ng mga Marxista ang tinatawag na "demistipikasyon"], matutuklasang tigib ang mga pakahulugan at pagpapakahulugang ito ng hidwaan--ng hidwaang pangkapangyarihan na nakaugat pa rin sa kalikasang politikal. Kayâ humihinging tunghan, masiyasat, at mabunyag ang mga ito. Iyan ang ating sisikaping gawin sa ikalawang pagsasanay sa pagdalumat. Sa mula’t mula, diskurso ng kapangyarihan ang mga susing salita ng talakay na ito,
Ikalawang Pagsasanay sa Pagdalumat: Pagsusuri sa Trailer ng Nocebo (2021)
Kamakailan, nagtrending sa social media ang trailer ng pelikulang Irish na Nocebo. May mga nagdiwang, mayroon ding nagduda. Bagaman may maagap akong paglilinaw na higit na mabuti ang ipagpaliban ang pagpapataw ng palagay sa isang palabas na hindi pa napapanood nang buo, minabuti kong suriin natin ang teksto ng trailer upang maunawaan ang reaksiyon dito.
Sa aking tingin, makabuluhang magagamit na ilustrasyon ang trailer sa pagpapaliwanag hinggil sa mga konsepto ng umaga, ang pagbubukod, representasyon, kaakuhan.
Una kong hinanap sa diksiyonaryo ang kahulugan ng “nocebo,” bílang kakarampot ang talagang alam natin hinggil sa kuwento ng pelikula, at iniisip kong susi ito sa probisyonal na pag-unawa natin sa teksto. Sa Merriam-Webster, narito ang pakahulugan: “a harmless substance or treatment that when taken by or administered to a patient is associated with harmful side effects or worsening of symptoms due to negative expectations or the psychological condition of the patient.”
Nagkakaroon ito ng panibagong pakahulugan kung isasaalang-alang natin ang mga nakalathalang sinopsis ng palabas, na ang tagpuan ay Ireland:
A fashion designer (Eva Green) suffers from a mysterious illness that confounds her doctors and frustrates her husband (Mark Strong)—until help arrives in the form of a Filipino nanny (Chai Fonacier) who uses traditional folk healing to reveal a horrifying truth” (“Nocebo”).
Malinaw na ipinakikilala ng trailer ang mga detalyeng ito, at talagang pumukaw sa maraming tao ang pagkapanood sa karakter ng katulong na ginampanan ni Fonacier. Sa mga nasiyahan, na sa tingin ko’y bahagi ng hindi iilang mamamayan na laging nagdiriwang sa okasyonal na pag-angat ng mga Filipino sa global na entablado, isa talaga itong sandali ng “Pinoy Pride.” Pero suriin natin muli ang natunghayan nating patikim sa masasabi nga namang napakahalagang pagganap ni Fonacier sa pelikula.
Matapos na maisalaysay ang kung baga ay pangunahing pakiwari ng palabas [na may pinagdadaanang kung anong karamdamang-pangkaisipan, “brain fog” at panandaliang paglimot, wika ng mga talâ, ang bidang si Christine, at nakaaapekto ito sa kaniyang karera at sa pamilya nila ni Felix], biglang lumitaw mula sa kung saan ang naging kasambahay na si Diana, at ni hindi matandaan ng fashion designer na ipinatawag o nagpagpapatulong siya rito.
Ang sabi ni Diana sa Ingles, sa puntong Filipino na animo'y napakatigas ng dila: “I’m here to help you; you sent for me.” Napakahalagang sandali ng pagpapakilalang ito ng kasambahay sapagkat ang pagbating ito ang simula ng lagim sa buong bahay at búhay nina Christine at Felix. Sa pagbubukas ng pinto sa Filipina, na lumitaw kalaunan ay nakapanggagamot pala at pinagtiwalaan upang ganap na mapalayas ang mga bumabagabag sa isip ng bidang babae, napapasok din ang mga hindi magagap at hindi mawari na lalong nagpalubha sa pinadaraanan ng may karamdaman at ng pamilya.
Makahulugan na’t kung baga’y humihingi ng masusing pagdulog ang bitaw ng salita ng kayumanggiing si Diana, kaladkad ang kaniyang maleta. Isa ito sa mga unang pinuna ng ilan namang mapanuring nakapanood, sapagkat wika nila, hindi makatotohanan ang pagpilit sa karakter na magtunog-Filipino [ano nga naman kasi ang tưnog-Filipino?].
Hinggil sa Pagbubukod
Ang papapatunog-Filipino, ang pagkakaloob kay Diana ng punto sa kaniyang pag-i-Ingles, ay malinaw na eksotisismo (exoticism) sa kaniyang karakter. Ang eksotisasyon ay kagawian ng pagbubukod, kung saan itinatakda ng palabas ang kaibhan ng mga bida [na pawang mga puti] at ng maaaring ituring na kontrabida [si Diana, ang Filipinang katulong at manggagamot, all in one].
Sa kasong ito, ang kaibang ulinig ng punto ni Diana ay pagbabadya lámang ng kaniyang pagkakabukod, sa maraming nibel, na ang pangunahing tanda (sign) ay ang kaniyang punto. Sa pangkalahatan, siya ay bukod (other), at siyang binigyan ng tungkulin na paigtingin ang tunggalian ng kuwento.
Bagaman hindi pa nga natin natutunghayan nang ganap ang pelikula, kailangang tandaan ang halaga ng kaniyang pagiging bukod sa karakterisasyon at pagpapatakbo ng kuwento. Dito umuusbong ang problemang nakita ng mga hindi gaanong natuwa. Ito'y sapagkat bílang isang Filipinang karakter, bagahe ni Diana ang maituturing na orientalismo ng kaniyang pagganap.
Sa orientalismo, na napakahalagang terminolohiyang kaugnay ng pagbubukod, sinusuri at inuusig ang kaisipang Kanluranin na sa mahabang panahon ay mapagturing sa Silangan o Orient bílang kabukod [at kailangan ng pananakop at pagkupkop/pagkubkob ng imperyo upang masawata ang hiwaga, eksotisismo, at pagiging hindi sibilisado].
Ayon Kay Edward Said (1979) na nagpakilala sa terminong ito, ang orientalismo ay isang paraan ng pag-iisip at pagdidiskurso ng Kanluran hinggil sa Silangan. Dito, wari ba’y palibak at may pagmamaliit, kundi man, idealisado at romantisadong itinatanghal ng Kanluran ang tinataya nitong angking kaibhan ng Silangan. Bigyang-diin natin ang "tinataya," sapagkat nagmumula ito sa kanilang pananaw, sa pananaw Kanluranin.
Malaganap ang mapanlait na depiksiyon at pagtatanghal sa Silangan ng Kanluran sa napakahabang panahon, mula sa mga talâ ng mga pag-ikot sa daigdig at pananakop ng mga konkistador at misyunero, hanggang sa mga pelikulang Hollywood na palaging ibinibida ang kulturang Kanluran bílang superyor at makapangyarihan.
Isang pangunahing halimbawang kilala natin bílang suheto ng pananakop ay ang tinaguriang “American exceptionalism” sa kabuoan ng kulturang popular. Wari bang sa kanilang palagay, sila lámang ang may kakayahan, at talagang makaaabot, ng kadakilaan sa sa daigdig, bílang sila ang may “manifest destiny” o nakatakdang maghari, hindi lámang sa kontintente ng America, kundi pati na rin sa buong daigdig.
Pinagtatawanan ng Kanluran ang Silangan bílang mga barbaro [gaya ng maraming inalipin at inaaglahing lahi], pinagtatapunan ng pagnanasa dahil sa pagiging enigmatiko [at may kaibang mga sekswal na kagawian], o ipinagpapalagay na pagsasakatawan ng lahat ng kanilang tákot [tulad ng mga Arabo o taga-Gitnang Silangan na ipinoprofile bílang sangkot sa terorismo].
Ang orientalismo ay konstrak ng Kanluran para paglingkuran ang mapagmataas nitong sarili, habang ibinababâ ang dangal at katuturan ng Silangan. Isa itong hirarkiyang pangkaisipan at pangkarunungang natutuhang tanggapin bílang natural na orden o kaayusan sa mundo, at pinayakap sa mga suheto ng pagkakasakop. Napakarahas na uri ng kaalamang ito. Bahagi rin ang diskursong orientalismo ng masteri ng Kanluran sa komplikadong Silangan, bílang isa ang ontolohikong “masteri” sa mga paraan upang sakupin, upang maging “master” ng Silangan:
In a quite constant way, Orientalism depends for its strategy on this flexible superiority, which puts the Westerner in a whole series of possible relationships with the Orient without ever losing him the upper hand (Said, 1979, p. 7).
Bílang tauhang oriental, si Diana ang “nocebo” ni Christine, kayâ sa kabila nang kakatwaan nito ay talagang kailangang pagkatiwalaan, lalo’t habang palala nang palala ang kaniyang pakiramdam. Isang mahalagang tagpong nagtatanghal dito ang desperadong pagbubukas ni Christine ng kaniyang medicine cabinet. Wala na ang mga gámot sapagkat pinalitan na nga ni Diana ng lahat niyang lihim na kapangyarihan, mainsesong ritwal, at bote-botelyang langis o halamang gámot.
Hindi ko mapigilang iugnay na rin sa usaping ito ang pharmacon ni Jacques Derrida. Ang lunas ay lason din, kayâ't lalong bumibigat ang salà ni Diana bílang pigurang oriental.
Lalong rumubdob ang kaniyang mistika bílang karakter, at nagrurok ang orientalismo sa pagiging pigura ng hilakbot at tákot ng litong-litong si Felix na damang-dama, sa trailer pa lámang, ang kawalang-magawa, ang kawalang-kapangyarihan sa presensiya ni Diana. Walang halina, ni ginhawa, ang pangako ni Diana sa “Allow me in, and you will be free.” Tanging sindak lámang.
Hinggil sa Representasyon
Patalimin pa natin ang sipat sa orientalismo ni Diana. Ang karakter niya ay isang representasyon, isang pagtatanghal, sa pamamagitan ng pelikula, ng isang Filipina na nangibang-bayan upang, maaari, tulad ng marami sa tunay na búhay, ay makatagpo ng iba pa at nakabubuhay na oportunidad sa ibang bansa. Natagpuan ni Diana ito sa Ireland.
Ang representasyon, gaya ng ating iginigiit, ay isang paglalarawan ng realidad. Hindi lámang ito pagsalamin, bagkus, pagpapalinaw pa nga ng mga umiiral na katotohanan. Maaari ring pagpapalabo, depende sa nagagawa ng kapangyarihan at ideolohiya sa paglalarawan, sa representasyon.
Ano't anuman, ang pagpapalinaw o pagpapalabo na nangyayari sa representasyon ay madalas na nakalilikha ng mga imahen, mga tandang madaling magawang palasak at maipakalat kahit hindi ganap na kinakatawan ang realidad. Ang demistipikasyon ng representasyon ay pagbunyag at pag-usig sa mga estereotipong kaysa magkaloob ng ahensiya ay higit na kumakaltas dito (disempowering, instead of empowering).
Para sa mga nagdiwang, mabuting okasyon ng representasyon ang pakikilahok ni Fonacier sa isang pelikulang Irish at may labas na internasyonal. Pagkakaroon ito ng puwang sa pandaigdigang larang para sa mga tulad niyang artista na mula sa Katimugang Daigdig. Ngunit kailangang suriin ang pagbibigay na ito ng puwang ng Kanluran. Talaga nga bang pagbibigay-puwang ito?
Sa pananaw ng orientalismo, may makikitang pagdadalawandiwa (ambiguity). Ginagawang katatakutan at halos diaboliko ang pigura ni Diana, na kabukod ng lahat ng sibilisado at rasyonal na kinatakawan (represented) naman ng mag-asawang puti. Samantalang binibigyan nga ng espasyo si Fonacier bílang artista at pigurang Filipina, dinadamitan naman siya ng katauhang kumakatawan, maaari, sa lahat ng sindak ng mag-asawa.
Hindi kayâ binabalikan lámang sila, bílang kinatawan ng mapagbukod, mapagsantabing kulturang puti, ng kanilang sinupil? Ang tawag natin dito, kung sasangguniin si Sigmund Freud, ay "return of the repressed." Sa usapin ng masteri ng Kanluran, repressed ang Silangan kung saan napapabilang ang Filipinas. Pílit na itinatago sa silong ng kolektibong kubling-malay o unconscious dahil "hindi katanggap-tanggap" at dapat na "kontrolin," batay sa kanilang pamantayang sibilisado at rasyonal.
Nagiging makahulugan dito ang kaniyang punto, sapagkat nagiging tanda ng kaniyang malaking kaibhan. Ang pagiging aberasyon ng tunog ng wika ni Diana ay talinghaga ng kaniyang pagiging anomalya sa tahanan ng mag-asawang Christine at Felix, sa lipunang Irish, at sa daigdig na Kanluranin. Nadudulas ang kaniyang dila at ibinubunyag, hindi lámang ang kaniyang pagkaligaw, kundi lalo't higit, ang mapagbukod na layon ng palabas.
Lalong bumibigat ang pagbubukod kapag isinaalang-alang ang pagkukrus sa usaping lahi ng kasarian at uri. Si Diana, na may birtud ng mapanganib na mistikal na kapangyarihan, ay representasyon din ng marhinal na feminisadong migranteng paggawa (feminized migrant labor), na isa pang mahalagang suson (layer) ng kaniyang pagkabukod.
Para sa pagpapalalim ng diskusyon ng representasyon, magpapopokus ako ngayon sa pagiging babae ni Diana, na nag-uugat din sa napakahabang tradisyon ng "wicked nanny" trope sa horror genre ng pelikula. Sa tropong ito, kasambahay o tagapag-alagang kadalasang babae ang pumapasok sa sambahayan ng mga bidang sisindakin. Ang mga wicked nanny ang pangunahing tagapagdala ng sigalot na kailangang pagdaanan at madaig. Gagawin ng wicked nanny ang lahat upang "mawasak" ang pamilya.
Sa genre ng horror, madalas na paksa ang babae kundi bílang prey o biktima, ay bílang predator o tagapambiktima. May aliw sa mata ng patriyarkal na lipunan ang masdan ang kababaihan, kundi sa kanilang kahinaan o pagiging bulnerable ay sa kanilang paghahasik ng dapat-supiling sindak. Prey si Diana dahil sa kaniyang marhinalidad bílang feminisadong migranteng manggawa. Subalit predador din siya sa angking sindak laban sa pamilyang Irish na pinagsisilbihan.
Mahihiwatigan natin ang predation o pambibiktima, halimbawa, sa animo'y unti-unting "paghalili" ni Diana sa anak ni Christine nang ibulong nito sa batà ng "I will be with you, always"; at gumagapang na pagsakop ng kabuoang búhay ng pamilya. Napakamapahiwatig ng mga sandali ng pagsulyap o pagtingin (gaze) ni Diana, nagbabadya ng panganib at talagang nakapangangamba.
Kontrapelo ng sulyap o tingin ni Diana ang sulyap o tingin ni Felix, isang tindig ng pagkontra sa talab ng hiwagang hindi masawata. Sa pagpapalagay ni Laura Mulvey, namamayani ang patriyarkal na sulyap o tingin sa pelikula, kung saan nagiging obheto ng lunggati o pagnanasa (desire) ang pigura ng babae:
In patriarchal culture [woman stands in] as signifier for the male other, bound by a symbolic order in which man can live out his phantasies and obsessions through linguistic command by imposing them on the silent image of woman still tied to her place as bearer of meaning, not maker of meaning (sa Meenakshi at Kellner, 2006,
p. 343).
Bagaman hindi isang obheto ng lunggati o pagnanasa si Diana, sa mata ng Felix, kinatawan siya ng isang banta sa kaayusang ibig niyang panatilihin sa kaniyang pamilya, at kung mamarapating sabihin, sa kaniyang lipunang Kanluran. Kayâ napakahalaga sa diskusyon ang makailang ulit ng eksena ng pagmamatyag ni Felix sa kasambahay, at sa hulí'y pagbababala niya rito ng: "You stay out of my wife's head."
Nagsasangandiwa o ambiguous din ang mga detalyeng ito. Sa paglaban ni Felix sa ganap na "pagkubkob" ni Diana sa kaisipan ni Christine [sa layon at pangakong mapalayas ang mga bumabagabag ditong ang pigura'y mga aso], wari ba'y inaamin ng lalaki ang pagkakagapi (displacement) bílang kabiyak na nararapat sa pananahanan (habitation) sa kaisipan, kamalayan ng asawa.
Sa isang bandá'y wari'y iginigiit ang isa pang aspekto ng pagkakagapi ni Felix sa labanáng ito: ang "my wife's head" ay hindi lámang "my wife's head" [kay Christine]; ang "my wife's head" na ito ay kamalayang patriyarkal na inaari ni Felix bílang lalaki, isang kamalayang umiiral din mismo sa kaisipan ni Christine, na napipintong malansag nang ganap na malupig ni Diana ang kaniyang kapangyarihan.
Sa maikling salita: ang "my wife's head" ay totoong "my head" para kay Felix, at sa kaniyang kaisipan, ang kaniyang kamalayang kailangang mapanatili ang tindig ng kapangyarihan bílang pangunahing pigurang lalaki sa pelikula. Sa tunggalian ng mga sulyap o tingin, wari'y igingiigit ang sinasabi ni Mulvey na konpigurasyong "active/male and passive/female," na kung saan hindi lámang poder ang nakukuha ni Felix, pati na rin lugod (pleasure).
Kung lugod o pleasure, ano naman? Lugod na mailugar si Diana sa dapat niyang kalagyan—sa lugar ng marhinal, kailangang supilin dahil tangka sa umiiral na kaayusan. Na sa isang bandá, kung sakaling mapanood natin ang pelikula, ay bakâ paglulugar din niya sa sariling asawa si Christine. Nakapagpapaisip tuloy sa akin ang eksena, halimbawa, ng gálit sa kaniya ni Christine pagtatapon nito ng mga damit. Ano kayâ ang kinalaman ni Felix sa pagkakaroon ng karamdaman ng asawa?
Hinggil sa Kaakuhan
Ngayon, tutunghan naman natin ang kaakuhan, na inilarawan ni Zigmunt Bauman na “self-constitution and self-assertion,” sa layong itanghal ang politika ng kaakuhan na matatagpuan sa katauhan ni Diana. Pinakamahalagang tanda ng kaakuhan ni Diana, na siyang ibinubukod sa palabas, ang kaniyang punto habang nag-i-Ingles [inilarawan pa nga itong Cebuano sa mga publisidad, na lalong nagpapaigting sa marhinalidad]. Binanggit na natin na estereotipo ito’t pataw kay Diana upang maitanghal bílang karakter, bílang kaakuhang bukod sa larangang puti at Irish.
Bahagi rin ng kaakuhang ipinapataw kay Diana ang kaniyang pagkababae. At napakahalagang aspekto ang kasarian lalo pa’t may pahabol na suson ng kaakuhan, ang pagiging kasambahay sa banyagang bayan. Kung mamarapating hiramin natin ang isang kontrobersiyal na tinuran, pinangangatawanan talaga ni Diana ang ating pagiging “bansa ng mga alipin,” “a nation of servants.” Bahagi ng kaakuhan niya ang paninilbihan (servitude) kayâ wari ba'y sinasabi sa atin ng Kanluran na hindi na dapat pagtakhan ang kaniyang pagkakabuo bílang karakter. Isa itong given.
Nagdiriwang ang ilan sa pagiging bahagi ni Fonacier ng pelikulang ito. Hindi maitatanggi ang kaniyang husay. Subalit masdan natin ang piniling karakter para sa kaniya. Ito’y sumusunod lámang, kumbaga sa nakamihasnang padron ng kaakuhang Filipino sa kamalayang global, na madalas magpook sa atin bílang bahagi ng industriya ng paninilbihan, na hindi naman natin minemenos, kundi ikinararangal pa nga dahil sa halaga ng ambag sa ating ekonomiya.
Ang kailangang usigin ay kung talaga nga bang pagbibigay-espasyo, pagbibigay-tinig sa ating lahi ang pagganap at karakter ni Fonacier. May tangka man lámang ba ito na talikdan ang mga nakasanayang tatak ng kaakuhang takda ng kamalayang global? Kung mayroon man, may hinuha akong hindi ganoon kasigasig ang pagsusumikap. Sa probisyonal na pagbása natin ngayong umaga, iniisip ko na patuloy na iniluluklok ng Kanluran ang pigura ni Diana sa pagkakabukod (otherness).
At matindi pa, tinuturuan táyo ng pasulpot-sulpot nating representasyon at paglitaw (visibility) sa Kanlurang larangan na patuloy na ipagdiwang ang ating pagkakabukod. Kayâ ang nangyayari, hindi na táyo kailangang isailalim sa orientalismo ng Kanluran; táyo na mismo ang nag-o-orientalismo sa ating sarili (self-orientalism), at namumuhunan na táyo upang ibida ito.
Ang malala, sa ganang akin, kasámang itinatatak sa pagkakabukod ni Diana ang malaganap ngayong xenophobia ng mga Europeo sa mga migranteng ibig supilin ang pagparoon at pagkakalat sa Europa. Kontradiksiyon itong maituturing. Hindi nga ba noong kasagsagan ng pandemya, mga Filipinong health worker ang halos magpalakad at tumao sa mga pagamutan sa Britanya at Ireland? Hindi ko maiwasang banggitin ito, kahit paspasan lámang, ang Covid-19 dahil sa sapantaha ng mga reviewer na mukhang long Covid ang karamdaman ni Christine. Masdan halimbawa ang mala-respirator sa mukha niya sa simula ng palabas.
Sa hulí, tagalabas at bukod pa rin bang maituturing ang mga Filipinong tulad ng nars sa UK na si May Parson, siyang unang nagturok ng kauna-unahang bakuna laban sa Covid-19? Maaaring ang sagot ay nasa katauhan ni Diana, na patuloy na itinatakda ng lipunang Irish, sa pananaw nina Christine at Felix [at maaari ng kabuoang larangang Kanluranin], ang mga espasyong maaaring magagalawan at maiiralan ng kaniyang kaakuhan. Hindi pakiusap ang naririnig nila mula sa katagang “Allow me in and you will be free,” kundi banta sa kanilang kaligtasan.
Patuloy nilang ginagawan, tinatakdaan si Diana ng kaakuhang hindi naman talaga siya sa pangkabuoan, kahit pa sa mundo at panahong “liquid modernity” wika nga ni Bauman ay dapat sanang isang patuloy na proseso ng paglinang ng sarili (self-determination) ang usapin ng identidad, at hindi basta pakikibagay lámang.
Maaari pang ikatwiran ng mga nagdiriwang sa tagumpay ni Fonacier na isa rin namang anyo ng pagbibigay-tinig ang kaniyang pagkakamit ng papel. Mahirap pa rin itong pangatwiranan kung ang batayan ay ang masagisag na pananalitang may punto ni Diana. Talaga nga bang pinagsasalita siya? Talaga nga bang napagsasalita siya? Kung sasangguniin natin, halimbawa, si Gayatri Spivak, ang sagot ay hindi. Si Diana ay isang sub-altern, mababa, kumag, eksotisado pa nga sa kaniyang pagiging marhinal, at palaging umaasa sa "kabutihan" ng banyagang pangangamuhan. Wala siyang kalayaan sa kaniyang kalagayan.
Sa midyasyon ng pelikulang Irish, itinatakda ang papel ni Diana bílang babae, bílang Filipino na nangangailangang mangibang-bayan, mabuhay lámang ang pamilya sa Filipinas, bílang modernong alipin sa isang maunlad na bansa sa Unang Daigdig, bílang isang pigurang punô ng hiwaga at sumpa. “The sub-altern cannot speak,” giit ni Spivak, dahil nagsasalita lámang siya sa atas at iskrip ng midyasyong Kanluran, na ang mga pundamental na bumubuo sa kamalayan ay imperyo, patriyarkiya, at kapital. Wala siyang sariling bait, at sa kaso ni Christine, lalo lámang nakakasira ng bait.
Sanggunian
Aristotle. ND. Poetics. The Internet Classics. http://classics.mit.edu/Aristotle/poetics.1.1.html.
Cruz, Isagani (2003). Bukod na Bukod: Mga Piling Sanaysay. University of the Philippines Press.
Meenakshi, Gigi Durham at Douglas M. Kellner (Eds.) (2006). Media and Cultural Studies: Key Works. Blackwell Publishing.
“Nocebo." ND. Rotten Tomatoes. https://www.rottentomatoes.com/m/nocebo.
Rutherford, Jonathan. (Ed.) (1990). Identity: Community, Culture, Difference. Lawrence & Wishort.
Said, Edward. 1979. Orientalism. Vintage Books.