Ano ang Manonood? (1)
Matagal ko nang binabalak bakasin ang mga katutubong dalumat ng panonood ay biglang sumapit sa akin ang dapat na pagsimulan. Sa pangkabuoan, ang panonood ay isang gawain ng pagtanggap. Dinaratnan ang tumatanggap ng ipinakikita o ipinahihiwatig—mensahe sa karaniwang wika—ng anumang nakikita, napapanood na gáling sa isang nagpapalabas na midyum. Sa kasong ito, telebisyon na aking malaong paksa. Kayâ dapat magsimula sa: ano ang manonood? Bakit? Ang manonood ang talagang nagtatakda ng pakahulugan at praktika ng panonood. Kung paglilimiang mabuti, sa manonood nagmumula ang mga gawi ng pagtanggap. Nasa tao ang gawa, ang gawa ng panonood, kayâ sa manonood dapat magsimulang tumuklas. Pero kaninong manonood? Siguro, bílang panimulang hakbang, sa ating kilalang-kilala, sa sarili. Kayâ pagninilay talaga ang pagtuklas na ito. Pagninilay sa kung saan ako—at maaari, táyo—nagmumula sa pagganap sa papel ng "manonood." Ito'y sa kabila ng pagpapauna na wala akong balak itanghal ang sarili na kinatawan o representatibo ng malawakang “manonood.” Hindi ko alam kung maaari nga ito, marahil ay mapangangatwiranan. Sa ngayon, ang masasabi ko, ibig kong maunawaan ang ideya ng “manonood” sa pamamagitan ng sarili kong karanasan dito. Harinawa, maging susi ito, kahit ba panimula, sa pagpapalawak ng ating pag-unawa. Kailangan-kailangan kasi natin ngayon ang higit na kritikal na panonood, isang panonood na maalam sa panonood, at may kabatiran sa kagawiang ito.
Sa kauna-unahang TV market reception survey na inilathala ng SES noong 2020, lumitaw na ang Filipinas ay “one of the most dynamic and highly-penetrated TV markets in the Asia-Pacific region”; mayroon itong 20.8 milyong TV kabahayan (household) at TV penetration rate na 86.8% ("Intelligence: Filipino households with satellite TV are the most satisfied, according to report by SES."), siyang bahagdan ng kabahayan na may TV kaugnay ng kabuong bílang ng kabahayan sa bansa. Sa datos ng Philippine Statistics Authority, may 26.4 kabahayan sa bansa noong taon ding nabanggit, bagay na nagpapakita na halos lahat nga sa lupalop na ito ay may telebisyon. Natitiyak kong isa ang aking kabahayan sa mga iyon. Wala akong matagpuang datos kung ilan ba talaga ang telebisyon sa bawat kabahayan, ngunit masasabi ring bakâ higit ito sa isa, kung isasaalang-alang ang mga mobile phone atpng gadyet na nagagamit na rin sa panonood. Ganito kasi ang kaso sa sarili kong tahanan, bagaman nagmumula ako sa gitnang uri; bakâ hindi ganito ang sitwasyon sa lahat, lalo sa nasa mabababang uri, mahirap matiyak. Masasapantaha rin mula sa mga datos na ito na malawak ang pagkamanonood ng telebisyon ng mga Filipino. Hindi lámang dahil halos lahat ng kabahayan ay may telebisyon, kundi dahil, sa isang bandá, may permutasyon nga ang telebisyon at panonood sa iba pang mga daluyang naaakses sa loob ng tahanan, at kahit sa labas. Ang manonood na tulad ko ay hindi lámang sa kumbensiyonal na telebisyon dumudulog para sa aliw at kaalaman. Malakas ang kutob kong hindi pa ito nasisipat ng datos, pero malamang na napakaraming kasalukuyang katunggali ang TV set na iba pang midyum na naaakses ng manonood.
Sa mga datos at araw-araw na pagdulog sa telebisyon at mga permutasyon din natin mahihiwatigan ang kalikasan ng panonood sa ngayon. Hindi na lámang ito basta deretsahang pagtanggap sa anumang palabas, sa kumbensiyonal na paraang linyar o isáhan ang daloy [halimbawa, pagpapaabot ng mensahe mula sa isang mensahero tungo sa tagatanggap]. Maipapanukala na isa itong pagsagap sa lahat ng ipinatatanggap ng mga midyum na naaakses. Higit na masalimuot ang danas na ito, sa tingin ko, lalo kung pag-iisipan ang halos sabay-sabay na pagpapadulog sa atin ng telebisyon at mga permutasyon sa loob ng ating kabahayan, at sa labas nito. Madalas na hindi lámang iisang iskrin ang ating kaharap; masasabi pa ngang mga dalawa sa isang pagkakataon [halimbawa, nanonood ka sa TV set ay sinisipat mo rin ang iyong cellphone]. Ang manonood na Filipino, gaya ko at marahil ng kahit sino sa kasalukuyang panahon ay nasa gitna ng sari-sari’t maaari’y sabay-sabay na pagpapanood. Nag-aagawan ang lahat ng midyum sa atensiyon ng tinutunghang tagapanood, na inaalayan naman ng kung ano-anong ispektakulo o panoorin, manatili lámang ang tangkilik, kundi man, kahit saglit na pagpansin. Dahil dito, ang pagtanggap ng manonood ay madalas na masigalot—magalaw, mukhang talagang magulo. Ang manonood ay mailalarawang isang maparikalang estado ng kalát-kalát na pagtutok. Kailangang masanay sa isang daigdig ng laksang iskrin, ng samotsaring ispektakulo na wika ngang minsan ni Guy Debord ay puspos na lámang imahen, parang wala na ngang "sinasabi."
Akdang Binanggit:
"Intelligence: Filipino households with satellite TV are the most satisfied, according to report by SES." Adobo Magazine. Mayo 29, 2020. https://www.adobomagazine.com/philippine-news/intelligence-filipino-households-with-satellite-tv-are-the-most-satisfied-according-to-report-by-ses/.